Monday, October 24, 2011

Unang Sulyap sa Pambansang Museo (Unang Bahagi)

Ito ang unang blog post ko na isinulat gamit ang wikang Filipino. Tungkol ito sa isang  lugar na espesyal at naging bahagi ng aking buhay kolehiyo kung saan marami akong natutunan at mas nakilala ko ang kalinangan (culture) nating mga Pilipino, ang Pambansang Museo ng Pilipinas. Isang pagpupugay ito sa paggunita sa  isang siglo at dekadang pagkakatatag ng National Museum.

Museum of the Filipino People na bahagi ng Pambansang Museo


Isang hapon ng buwan ng Agosto taong 2006 nang una akong makabisita sa Pambansang Museo ng Pilipinas sa Maynila. Unang taon ko rin noon sa Pamantasan ng Pilipinas.  Bahagi ng aming klase sa Kasaysayan ng Pilipinas (History 1) ang pagbisita sa naturang museo, isang mahalagang dagdag sa aming mga talakayan sa klase at mga binabasang mga aklat. Buti na lamang at alam ko ang daan papunta sa museo, naglakad ako mula sa aming campus sa Padre Faura at hindi naman naligaw. Noong hapon na iyon, ang Museum of the Filipino People ang nakatakda naming bisitahin. Makikita ito sa Agrifina Circle sa Luneta.  Isa ang Museum of the Filipino People sa dalawang gusali ng Pambansang Museo sa Maynila. Ang National Art Gallery naman ang isa pang gusali. Masaya ako dahil may ganito kaming aktibidad, mahilig kasi ako sa pamamasyal at kasaysayan, ilang museo na rin ang nabisita ko sa mga lakbay aral naming nung high school at sa pagbibiyahe ng pamilya.

Usapan ng aming klase na magkita at maghintayan sa lobby ng museo, ala una ng hapon ang napagkasunduang call time. Maaga akong nakarating, nagamit ko ang oras para mabasa ang nakadisplay na impormasyon ukol sa kasaysayan ng gusali. Si Antonio Toledo, isang Pilipinong arkitekto, ang nagdisenyo ng gusali na itinayo noong 1940. Proyekto ang gusali noon ng Bureau of Public Works at unang nakilala bilang Commerce Building , bahagi ang gusaling ito sa Burnham Plan ng mga Amerikano para sa Maynila noon.

Dumating ang aming propesor at kinulekta ang aming entrance fee ilang minuto bago mag ala-una ng hapon, 30 pesos ang bayad ng  mga estudyante para makapasok. Matapos ang pagbayad sa entrance fee ng aming grupo at pagdeposito ng mga bag, pumila na kami sa bungad at hinintay na kami’y papasukin. Isa sa mga staff ng museo ang sumalubong sa amin at bumati sa aming grupo. Hindi ko malilimutan nang sabihin niya na ang Pambansang Museo ay ating tahanan at marapat na ingatan ng mga bumibisita ang mga koleksyon na tampok sa loob. “No touching, no running, no screaming” ang paalala ng staff. Bawal hawakan ang mga artifacts dahil sa karamihan sa edad at baka ito masira. Bawal tumakbo sa loob ng mga gallery sapagkat maaring may masira at may masaktan na ibang bisita. Bawal sumigaw sapagkat nakakaistorbo ito sa iba pang bisita ng museo. Bawal ng alang kumuha ng mga retrato sa loob noon, kailangan muna ng sulat na humihingi ng permiso at ang pagsang-ayon ng museo sa iyong request. Binanggit rin niya ang iba’t ibang mga interesanteng bagay na bahagi ng anthropological at archeological collections ng Pambansang Museo na makikita sa Museum of the Filipino People, patikim sa aming makikita sa iba’t ibang silid.

Matapos ng maikling introduksyon at paalaala, binuksan ng staff ang pinto ng isang gallery sa unang palapag. Pumasok nang nakapila ang aming grupo at namangha sa aming nakita. Para kang biglang napunta sa ibang lugar , para kang nasa ilalim ng dagat sa pagpasok mo sa silid na iyon! Tampok sa naturang gallery ang replica ng wreck site o ang kinalubugan ng San Diego Galleon. Lumubog ang San Diego sa katubigan malapit sa Fortune Island sa Nasugbu, Batangas noong 1600. Sinasabing ang labi ng barkong San Diego ang tanging ebidensya ng pamamaraang Espanyol sa paggawa ng barko sa Asya. Ginawa ang San Diego sa Cebu, bunga marahil ng sapilitang paggawa. Medyo madilim at maypagka asul ang ilaw sa loob ng gallery para magaya ang kailaliman ng dagat. Makikita sa loob ang mga kopya ng mga lumang mapa na gamit noong kapanahunan ng San Diego, mga tunay na kanyon na gawa sa bakal at may sagisag pa ng kaharian ng Espanya,at mga bala ng kanyon. Tampok din ang mga malalaki at lumang mga tapayan o jar na kahawig ng mga burnay na makikita sa Ilocos, mga porselanang plato mula sa Tsina. Interesanteng makita ang mga banga na kinapitan na ng mga lamang dagat tulad ng korales at mga barnicles, pati na rin ang mga bahagi ng barko na naiahon.  Makikita rin ang mga larawan ng mga archeologist nang sumisid sila sa wreck site.

Matapos pagmasdan ang exhibit tungkol sa wreck site, sunod naman naming tiningnan ang courtyard ng museo. Sa puntong ito sinabi ng aming aming propesor na malaya kami kung papaano namin gustong libutin ang gusali sa hapon na iyon. Nagustuhan ko ang courtyard ng museo sapagkat dito’y makakasagap ka ng sariwang hangin, at mapapagmasdan mo ang taas ng gusali na may 5 palapag. Pinaka interesanteng bahagi ng courtyard ang isang bahay na mula sa Mayoyao, Ifugao na isang magandang halimbawa ng arkitektura sa Cordillera Region. Maari kang pumanik sa pamamagitan ng isang makipot na hagdan at pumasok sa naturang bahay para mapagmasdan ang payak nitong loob. Sinasabing walang ginamit na pako sa pagbuo ng naturang bahay at madulas masyado ang mga poste nito kaya naman hindi makakapanik ang mga daga. Mapapansin ang mga sticker ng census sa may pinto, patunay na hindi isang replica ang istruktura.  Makikita sa loob ang isang lutuan, ilang mga lalagyan ng gamit na gawang kamay at isang bag na nagsisilbi ring panangga sa ulan.

Malapit sa courtyard ang isa pang gallery na kita mo ang loob mula sa labas dahil sa pader nito na gawa sa salamin. Nang bumisita kami noon tapok sa naturang gallery ang isang exhibit na pinamagatang “Poder” (authority). Makikita sa “Poder” ang iba’t ibang portrait painting ng mga naging pangulo ng Pilipinas. Ang mga painting ng mga presidente na nakadisplay  ay iba sa mga madalas nating makita sa mga postcard at text books.  Isa sa mga nakapukaw ng aking atensyon at naging paborito ang likha ni Fernando Amorsolo na portrait ni dating Pangulong Manuel Roxas . Isa iyong likhang sining na oil on canvas na napaka detalyado. Nakangiti ang presidente at nakasuot ng maringal na tuxedo and bow tie. Si Fernando Amorsolo ang unang pintor na ginawaran ng karangalan bilang Pambansang Alagad ng Sining (National Artist), kilala siya sa mga realistic niyang mga portraits at sa mga obra na nagtatampok sa ganda ng kanayunan ng Pilipinas. Magaling ang pagkayari maging ng frame, detalyado ang pagkakakukit ng mga mistulang tunay na baging sa Philippine hardwood (narra marahil ang ginamit).

Sa gitna ng gallery makikita ang isang installation ng mga bahagi ng nahukay na balangay (sinaunang sasakyang dagat na ginagamit ng mga Pilipino sa kalakalan bago pa man dumating ang mga Espanyol noong ika-16 na siglo). Nakaayos ang mga maliliit na bahagi ng balangay sa hugis ng mapa ng Pilipinas, ang bansa na pinamunuan ng mga presidente na tampok sa mga kwadrong nakasabit.

Katabi ng “Poder” ang isa pang gallery na may salamin na pader. Kita mo mula sa labas ang mga kagamitan na galing sa iba’t ibang Indigenous People ng Pilipinas. May malaki at mahabang tambol na may ukit na disenyong okir galing sa Mindanao, iba’t ibang klaseng salakot, detalyadong panolong (house beam), mga matatalim na palaso ng mga Aeta, sibat na may hawakang gawa sa hardwood, mga bag na handmade mula sa Cordillera, mga documentary photographs at marami pang iba. Kaya lang sarado ang naturang gallery. Isa iyong visual storage gallery ng mga artifacts na natampok sa St.Louis World's Fair sa Estados Unidos noong 1904 (nalaman ko ito makalipas ang ilang taon at nang makumpleto ang pagsasaayos sa gallery). Mahigit na pala sa isang siglo ang mga naturang kagamitan na nanggaling mula sa iba’t ibang panig ng Pilipinas na nasilayan ko noon.

Unang palapag pa lang ng museo ang dami nang makikita. May elevator papanik sa ikalawang palapag pero mas pinili ko na gamitin ang hagdan na gawa sa marmol, daan papunta sa iba pang mga interesanteng bagay mula sa ating mayamang kasaysayan. 


5 comments:

  1. I remember my first encounter with national museum when i was on my 2nd grade. It did not matter to me at that time. Today it's a different story. Ngayon ko nalang sya naapreciate.

    ReplyDelete
  2. Hindi pa ako nakakarating sa museong ito ngunit sa iyong pagkakasalaysay ay para ko na ding nabisita ang gusaling ito, sana ay mapuntahan ko din sya sa mga susunod na araw. :)

    -i ♥ am ♥ Talinggaw

    ReplyDelete
  3. would love to see this place caloy.

    BTW, I love your blog, it loads fast! Wow!

    ReplyDelete
  4. @Makunat, thank you for visiting Wandering Caloy. Viewing a museum for the second time usually gives more surprises and insights. I hope you cna regularly visit the National Museum and other museums as well. God bless.

    @Talinggaw, Mabibisita mo rin ang Pambansang Museo sa nalalapit na mga araw. Natutuwa ako na kahit sa pamamagitan ng mga salita ay para mo na ring nabisita ang museo. Maraming salamat sa pagbisita sa blog, nakakainspire ang iyong comment. Lalo ko pang pagbubutihan ang pagboblog. God bless you!

    @ Edmaration etc, Thank you for your wonderful comment, it inspired me to do more. It is good to know that the blog loads fast. I am sure you'll get to visit the museum soon. I think its a good idea for PTB and PTB Bagets to arrange a museum visit meet up for the members! God bless.

    ReplyDelete
  5. nahirapan ata akong mag-basa sa Filipino... but it's great to see and read a post in Filipino. kudos to you! i saw a TV feature a couple of days ago about the national museum. i haven't been there. and then i found your blog... it only reiterates that i do need to visit the museum soon.

    ReplyDelete